Monday, August 24, 2009

Kapitan


Trabaho, Pera, Ginhawa, Tagumpay
ilang mga bagay na nais mapasakamay,
mangilang mga mithiing sa isip ay tumatakbo

habang rumaragasa itong tren na nasakyan ko


Sa gitna ng bilis ng buhay ngayon,

biglang nagkaroon ng tanging pagkakataon,

hirap na naranasan ay muling tingnan

at pagplanuhan naman ang pagharap sa kinabukasan


Bakit tila masalimuot ang binabaybay,

riles na tinatahak ng aking paglalakbay,

pasakit, dusa, sakripisyo ay panay

pag-angat ay parang hindi ko magamay


Ngunit habang binabagtas ang bakal na hinabi

aninag ko sa bintana ay sa akin may sinabi

pera pa sa pag-iisip mo ng hinaharap at nakaraan,

bakit hindi mo muna pagtuunan yaong kasalukuyan


Ako'y natauhan at nagbalik wisyo,

may mga pinanghahawakan pa pala ako,

imbes na umungot at sa poon ay magreklamo,

ba't di pahalagahan ang kung anong meron ako


Napangiti habang nakatunganga sa kawalan,

natuwa sa mga bagay na napag-isipan,

nang biglang ang tren ay prumeno,

hayan na pala ang istasyong bababaan ko


Aking naitaas antas ng aking kamalayan,

sa pakikipagsiksikan pala'y meron ding nmatututunan,

pagninilay ay siyang aking nakamit,

habang yaong mga kamay sa
kapitan nakasukbit

photo ang words by: jeklog
@ MRT

Sunday, August 23, 2009

Tambuhay


Bum, Taong Bahay, Antay, Butas-bulsa
Pinagdadaanan ng taong patuloy na umaasa
na propesyong tinapos at kinuhang kurso
ay sa wakas mabibiyayaan siya ng trabaho

Minsa'y ang isip ay dumadalawa,
napiling pag-aralan ay tama ba?
sapagkat matapos igapang at paghirapan,
ay tila wala pa ring kinahahantungan

Umaasa na balang araw magdulot ng yaman,
pero minsan ang loob na rin ay pinanghihinaan,
kagustuhang kinabukasan ngayon na ay masimulan
pero balakid ang trabaho'y kawalan

Maghahanap na lang ng lakas na harapin
itong problemang di ko maubos isipin
ayokong magtagal ang ganitong buhay
nawa'y sa madaling panahon ay matigil na ang pagiging tambay

photo and words by: jeklog
@ Lucban, Quezon


Saturday, August 22, 2009

Sigasig Sagisag


Watawat, Bandera, Marka, Bandila
Matayog na iwinawagayway, simbulo ng bansa
Bantayog ng kalayaan, kasarinlan at diwa,
Nasyonalismo, ito ang natatatanging tanda

Ngunit sapat ba ang kaalaman at pagkilala?
Hanggang dito na lang ba ang siyang pag-alala?
kasi sa bawat pilantik nitong makulay na tela,
ay hinaing na kumilos at makiisa

Makiisa sa paghihikayat ng pagmamahal sa bayan,
pagdidilig ng binhi sa lupang tinubuan,
pagbabalik loob at tiwala sa sariling tahanan,
muling buhayin paniniwala sa liping kinalakihan

Ito ay ilan sa hamon nitong sagisag
na nawa'y pagiging makabayan muling maihayag,
ipagmalaki pagiging Pilipino sa buong daigdig,
Simulan sa sarili, ang pagiging kayumangging masigasig

photo and words by: jeklog
@ Bonifacio Monument near Manila City Hall

Thursday, August 20, 2009

Dilaw na Ilaw


Demokrasya, Katahimikan, Pagkakaisa, Kalayaan
Mga konseptong walang takot na ipinaglaban
hindi tinigilan hangga't di nakamtan
Tagumpay na dulot ng damdaming makabayan

Lakas ng tao buong tapang na naipadama
Noong sila'y nagtipon doon sa EDSA
Mithiin ay nakuha ng walang kaakibat na karahasan
Unit-unting nasungkit sa santong dasalan

Lahat ng ito sino ba ang pasimuno?
kundi ang unang Pinay na pangulo
na sakabila ng hinhin ay walang katapat ang tatag
Pagi-ibig sa Diyos at sa bayan kanyang kalasag

Sa bayan ay patuloy siyang nanilbihan,
hanggang siya'y naratay sa karamdaman
Payapang nilisan, mundong ginalawan
misyon na dito pinaubaya na sa mamamayan

Minahal ka ng lahat hindi dahil sinabi mo
Kundi dahil ito'y aming ginusto
kaya sa pag-alis mo huwag ka nang mag-alala,
dahil tunay na hindi ka nag-iisa

Nawa'y sa kanyang tahimik na pagpanaw,
huwag sanang mapukaw regalo niyang ilaw
kung anuman ang tinatamasa ay sa kanya natin tanaw,
sa kanya, doon sa babaeng nakadilaw

Hanggang sa muli Tita Cory. Salamat. Salamat...

photo and words by: jeklog
@ Quezon Avenue, facing EDSA