Thursday, August 20, 2009

Dilaw na Ilaw


Demokrasya, Katahimikan, Pagkakaisa, Kalayaan
Mga konseptong walang takot na ipinaglaban
hindi tinigilan hangga't di nakamtan
Tagumpay na dulot ng damdaming makabayan

Lakas ng tao buong tapang na naipadama
Noong sila'y nagtipon doon sa EDSA
Mithiin ay nakuha ng walang kaakibat na karahasan
Unit-unting nasungkit sa santong dasalan

Lahat ng ito sino ba ang pasimuno?
kundi ang unang Pinay na pangulo
na sakabila ng hinhin ay walang katapat ang tatag
Pagi-ibig sa Diyos at sa bayan kanyang kalasag

Sa bayan ay patuloy siyang nanilbihan,
hanggang siya'y naratay sa karamdaman
Payapang nilisan, mundong ginalawan
misyon na dito pinaubaya na sa mamamayan

Minahal ka ng lahat hindi dahil sinabi mo
Kundi dahil ito'y aming ginusto
kaya sa pag-alis mo huwag ka nang mag-alala,
dahil tunay na hindi ka nag-iisa

Nawa'y sa kanyang tahimik na pagpanaw,
huwag sanang mapukaw regalo niyang ilaw
kung anuman ang tinatamasa ay sa kanya natin tanaw,
sa kanya, doon sa babaeng nakadilaw

Hanggang sa muli Tita Cory. Salamat. Salamat...

photo and words by: jeklog
@ Quezon Avenue, facing EDSA

No comments:

Post a Comment