Showing posts with label balat. Show all posts
Showing posts with label balat. Show all posts

Sunday, November 15, 2009

Balang Araw


Giyera, Pinsala, Digmaan, Karahasan
Palitan ng putok tila walang katapusan,
Palagay niyo ba'y may kararatnan?
itong away na salat sa katuturan.

Di pagkakasundo ay hindi ba puwede madaan?
sa maayos at maginoong usapan?
nang hindi na tuluyan pang madagdagan,
bilang ng sinusundo ni kamatayan.

Pag natapos ba ito ay tiyak na may panalo?
dahil sa palagay ko lahat tayo ay talo.
rebelde, sibilyan, musmos at sundalo,
mga buhay nila'y nabago na panigurado

Darating pa kaya ang umagang inaabangan?
Bala pa kaya ay titila pa sa pag-ulan?
Ang araw na hinihintay na wala nang mawawalan,
at lahat ay tinatamasa ang tunay na kapayapaan.


photo and words by: jeklog
@ Lucban, Quezon

Tuesday, March 17, 2009

Pamilyar ako?!


Kailan, Saan, Sa aling paraan, Paano?
Di na nabatid kung bakit napunta dito.
Pagmulat ng mata'y buong mundo'y tila nagbago,
ni di ko na rin namalayan ang pagkakaupo ko dito sa kanto.

Ganito na kaya ang buhay ko kahapon?
Nagising na ni kaunting memorya ay di nakaipon?
Siguro makakadama lang ng kahit kakarampot na kasiyahan,
kung maaalala kahit man lang aking pangalan.

Pero kahit sa nagdaan ay walang katiyakan,
alam ko may misyon akong dapat gampanan.
Dahil sa ngayo'y meron pa ring pinanghahawakan,
ang mapanatiling buhay ako sa kasalukuyan.

Nang makaharap ang sarili gamit ang matang kirat,
Nagulat nang maaninag babaeng buto't balat.
Nang masulyapan ang mukhang nabuo sa baso,
Bumigkas ng: "pamilyar ata itong taong ito, hindi kaya siya ang tumandang ako?"

photo and words by: jeklog
@ E.Rodriguez Q.C.