Showing posts with label street. Show all posts
Showing posts with label street. Show all posts

Thursday, September 29, 2011

Antay Salakay


Taon, Linggo, Araw, Oras
Ilang sandali na nga ba ang lumipas?
Sa pag-aabang ng tamang panahon,
Upang sa inip na nadarama ay umahon.

Pagdating ng araw na pinapanaginipan,
Pagkawala ng oportunidad hindi na hahayaan
Paghihirapan ito at papahalagahan,
Tagumpay na nais ay pagpupunyagihan

Ngunit habang hindi pa ito dumarating,
Biyaya sa araw-araw ay siya na lang ang bibilangin
Hindi panay hinaharap ang hinahanap,
Dahil ang kasalukuyan ay may makikikita pa ring sarap.

Lahat naman ay may oras na nakatakda,
Sa pag-aantay ay huwag tuluyang masuya
Darating din ang araw ng iyong pagsalakay,
Patungo sa lugar ng minimithing tagumpay.

Photos and words by: jeklog
@ Lucban, Quezon
Guhit Kamay

Friday, January 14, 2011

Silid Aralan



Nene, Totoy, Tinay, Nonoy
Maupo na ang lahat, andito na si kuya Buboy
Naihanda niyo ba ang inyong takdang aralin?
Mga bagong leksyon ngayon ang ating tatalakayin.

Makinig at itatak sa utak niyong kuwaderno
Mga mumunting aral at maikling mga kwento,
Na sana’y mamalagi sa mga kukote ninyo,
At magbigay dunong sa gutom na ulo

Magkaroon sana ng saysay aking krusada,
Maghatid karunungan aking adbokasiya.
Kapos man sa gamit at teknolohiya,
Aking tinig na lang ang gawing pisara.

Ang amin mang silid ay mismong kalsada,
Ang aming napag-aralan ang siyang mahalaga.
Pormal na edukasyon man kami ay pagkaitan,
Ay may mga puso paring may dalang paraan.

photos and words by: jeklog
@ P.Noval St., EspaƱa, Manila

Class Room

As I was navigating my way through River Espana in the hunt of the elusive “Belly of the Beast” (Isaw), my comrade pointed towards an unlikely vista. With high hopes that we can finally harpoon this monster of a street meal, I saw something else. A flock of juvenile Juans and Marias seated contentedly along the outskirts of the boulevard has stolen my sight. I approached them as I took blurred shots of the group. I sparked a conversation with their mentor named “Buboy” and asked permission to have better shots of them. I luckily had a few subpar shots, enough to hotwire my imagination and tell their story my way. These are the moments that I am constantly reminded of how privileged I am to have formal education. I keep on wining about hardships in schools before well in fact, I was fortunate enough to be in one. Comparing myself to these children, I suddenly realized that they are not that ill-fated as I thought. They had their Kuya Buboy to be their “Master Splinter” that will guide them through the things that matter in life. Short stories and essential lessons that will make a kid survive through adulthood are transferred in this fractional encounter. I cannot help but give my thumbs up to the “Efrens” of the street, more so, the “Buboys” who have yet to be even noticed and commended to accomplish a noble job well done. As long as we have them, classrooms will not just be a term described in terms of being a room where classes are held, they will be turned in to places that have enough room to have a class.


Saturday, April 25, 2009

TamBolero


Musika, Awit, Saliw, Tunog
Ito lamang ang aking dala at handog.
Sa pag-akyat ko sa jeep na pampasahero,
dala-dala itong ginawa kong instrumento.

Instrumentong yari sa lata, goma at tubo,
sabayan pa ng ilang katutubong awit mula sa tribo.
Ito ang pangunahing gawaing pangkabuhayan,
nagbabaka-sakali na sobreng-panglimos ay mahulugan.

Mga Badjao na sa siyudad ay naligaw,
umasang ginhawa ay dito matanaw.
Ngunit pagdating dito, ilan nasama sa sindikato,
ginawang puppet upang sa tao'y manloko.

Ilan sa tulad nila ay sa pambobola ay bihasa,
pero karamihan sa kanila ay walang intensiyong masama.
Nais lamang na sa kaunting himig at tugtog ng tambol,
sa rumaragasang takbo ng buhay makahabol.

photo and words by: jeklog
@ Kamias, Quezon City


Sunday, April 5, 2009

TongBars

Gupit, Ahit, Masahe, Bola
Ano pa nga ba iyong hahanapin di ba?
Sa barberya kong di mamimintis ng iyong mata.
sapagkat andirito lang sa gilid ng bangketa.

Aanhin mo nga naman ang magarbong pwesto,
kung di ka rin naman tatangkilikin ng tao.
Kaya dito ka na sa akin magpatasa,
sa kaunting hagod ko lang ay gu-guwapo ka.

Kapag mahika ko sa iyo'y nagsimula na,
gamit itong aking gunting at labaha,
Panigurado sa itsura mong bagong tabas,
mga chix magkakandarapa at di na kakalas.

Ang saklap nga lang kasi kami ay nahukuman,
na mga salita namin di na dapat paniwalaan,
kasi sa isip niyo ay walang totoong kwento,
kapag ang sumambit ay tulad kong Barbero.

Photo and words by: jeklog
@ Quiapo, Manila


Wednesday, April 1, 2009

Patay Buhay Tulay


Tapang, Tibay ng loob, balanse, kawalan ng kabog
kapag ika'y dinaga puwede kang mahulog
sa trabahong pag nagka mali, utak mo'y sabog,
kinabukasa'y durog, katawan lasog-lasog.

Yan ang sugal dito sa aming larangan,
na pinasok ko na rin kaysa walang mapasukan.
Ok lang yan, sa pag tulay nama'y may kasama ako,
ang kaso pag nagkataon, di lang isa ang laglag kundi tatlo.

Takot sa taas ay natutunan nang ibalewala,
tiwala sa kasanayan ang aking kasangga.
Simple lang naman, para lang naghahabi,
na gamit ay mahabang bakal at hindi tali o pisi.

Ito na ang gawaing sa'kin bumubuhay,
na maaari ring sa akin ay pumatay.
mas mabuti naman magtrabaho kahit delikado,
kaysa maging tambay at palamuning tao.

photo and words by: jeklog
@ Matalino St, Quezon City


Friday, March 27, 2009

Kapa sa Dilim


Kuwerdas, Tono, Tipa, Nota,
Lahat may kaugnayan sa instrumento kong pang-musika,
na nagbigay sa akin, tira-tirang pag-asa,
na mundo pala'y may natatangi pang ganda.

Gumuho ang lahat nang kadiliman ang nanaig,
Liwanag, tuluyang iniwan aking daigdig.
Noo'y galit sa tadhana ang sa akin ay bumalot,
bawat araw napuno ng hinagpis at poot.

Isang araw nakahawak ng instrumentong kurbada ang hubog,
kaagarang ang loob ay nahulog sa kanyang tunog.
Nagpunyagi upang matuto kahit paano,
Nagtiyaga habang may nagtuturong tao.

Ang aking pagkapa sa dilim ay nabigyan ng rason.
Pagkapa pala sa musika ang tugon,
Bulag na musikero man akong naturingan,
Nakakita naman ako ng tunay na kaibigan.

photo and words by: jeklog
@ EDSA-Kamuning, Q.C.

Sunday, March 22, 2009

Kalakal-Kal

C2, Plastic na bote, Bakal, Coke in Can
mga bagay na itinapon mo sa basurahan.
kala mo'y pagkaubos ng laman kwenta'y kasama,
pakinabang sa mga ito'y siya ring wala na.

Pero sa aming may kahoy na manibela,
na buong lakas nagtutulak ng karitela,
kalat mo'y may katumbas na sentimo,
ikabubuhay na namin kapag naka-kilo.

Buti na lang kasama ko si utol,
kaututang-dila ko sa aking paghahabol,
napapawi hirap, pagod at pagka-hapo,
paghahanap ng ginto ay para lang laro.

Ganito tumatakbo ang pangangalakal
bawat tapuna'y sinusuyod, kinakalkal
nagbabaka-sakaling swertehin din at makaipon,
pampaayos man lang nitong aming kariton.


photo and words by: jeklog
@ Canlalay, BiƱan, Laguna


Saturday, March 21, 2009

Alsa-Balutan


Balut, Penoy, Mani, Chicharon
Tilaok ko 'pag kagat ng dapit-hapon,
mga katagang buong lakas kong sinisigaw,
umaasang may mga lasenggong mamakyaw.

Hapon pa lang ay dedelehensya na ng basket,
doon sa Bulacan Public Market,
Buslong puno ng itlog na pang-lako,
Iuuwi sa Cubao nang doo'y maluto.

Bago lumarga ay saglit munang magdadasal,
lakad nawa'y hindi bulilyasuhin ng kalabang-mortal,
mga asong ulul na ulol magsitahol,
na wala na atang ibang libangan kundi sa tulad namin manghabol.

Ilang taon na rin akong umaasa,
sana nama'y bulsa ko na ay umalsa,
nang mabalutan naman ng konting ginhawa
sarili kong tila yata wala ng pahinga.

Photo and words by: jeklog
@ Kamias, Quezon city

Saturday, March 14, 2009

Basahan

Salita, Balita, Showbizz, Tsismis
Ilan lamang sa masasagap sa pagtingin ng mabilis,
sa kapirasong papel na aking nadampot,
habang sa basuraha'y ako'y namumulot.

Makahiga nga muna dito sa aking sofa,
Sofa, sa sala kong kalsada,
susubuking madugtungan naman ng konting dunong,
utak kong sa Rugby ay natutong.

Mga pahina'y isa-isa kong binuklat.
Mga letra'y malagkit na hinipo ng matang mulat.
Ngunit bakit ang pagbabasa'y napunta sa pagkakamot?
Mukha'y nagusot at noo'y nakakunot?

Tila yata ako ay may nalilimutan,
ang rason kung bakit wala akong maintindihan.
AH! ako nga pala'y sa pagbabasa'y di naturuan,
kaya sa sino mang mapadaan, maaari mo ba akong Basahan?

photo and words by: jeklog
@ Dapitan St., Manila

Wednesday, March 11, 2009

Bungang-Uhaw



Purified, Filtered, Malamig, Mineral
Panigurado pagod at uhaw mo ay tanggal.
Dito sa mangilang boteng aking dala,
Na ni ako di alam kung malinis talaga.

Ako ay ilan sa mga taong masaya,
kapag nakikitang ang araw ay tirik na.
Kasi talamak na ang panunuyo ng lalamunan,
at ako nama'y magkakaroon na ng pang-laman tiyan.

Sa tagal ko nang ganito, tinatablan ay hindi na,
ang init ang polusyon ay di na iniinda.
Di na rin pansin ang pawis na tumatagaktak,
Nagsisilbi pa nga itong aking sun block.

Kaya haring araw lalo ka pang magalit!
Bayaang ang init mo'y umabot sa kanilang singit!
Dahil ang bunga ng kanilang pawis at pagka-uhaw,
Pamilya ko'y maitatawid nanaman ng isa pang araw.

photo and words by: jeklog
@ kalaw, Manila

Tuesday, March 3, 2009

Baliw-Sawsaw


Basilio, Crispin, Gloria, Obama,
sa ngayo'y wala akong pakialam sa kanila.
Ang importante ako'y maligayang nakaupo,
dito sa hacienda kong walang bangko.

Anong iyong tinitignan sa aking mukha?

Kaw ba ay may duming nakikita?
Kasi sa paningin ko nama'y wala,
Ito'y aking natural complexion, tanned lang bahagya.

Ang sama ng tingin mo sa damit ko!
Bakit? off ba? Baduy o mukhang trapo?
Kasi sa akin hindi to retaso,
Intimately designed by Salvatore Ferragamo.

Ako ang hari ng aking mundo,
akin lahat ng nasisilayan mo!
Kahit sa mata mo'y ako'y ma-babalisawsaw
Sa aking pagkakaupo sa ilalim ng araw.


photo and words by: jeklog
@C.P. Garcia St., U.P. Diliman Q.C.