Wednesday, May 12, 2010

ELeksyon


Plataporma, Progreso, Ginhawa, Proyekto
Mga pangakong binitiwan ng mga kandidato
Lahat ay bibigyang saysay sa araw na ito
Sa araw na ang taong bayan ay boboto.

Maagang gumayak patungo sa presinto
para subukin sistemang makabago
Ngunit pagdating eh, pila'y di matanaw ang dulo
Kaliwa't kanan ay nag-aalburutong tao

Humanay, umupo, nainip, nagpaypay
Tiniyagang mag-antay hanggang balota'y mapasakamay
Kodigo'y inilabas, panulat na itim dali-daling ikinaskas
doon sa loob ng bilog, iningatang hindi lumagpas

Ilang minuto'y nakaraos na rin sa wakas!
nakapili na rin ng mga lider at mambabatas.
Pagsubo sa PCOS dumating ang oras,
sana naman ay tanggapin at hindi ilabas

Papel ko'y ipinasok sa bunganga ng makina
aba'y mantakin mong iniluwa ng pesteng walanghiya!
Sinubok muling ipakain makalawang pagkakataon,
Salamat Lord at ang mensahe'y congratulations! *whew

Nawa'y eto na ang simula ng pagbabago
sana naman mga politiko'y maging totoo
Sana kahit papano'y may nakuhang leksyon
Ngayong panahon ng automatikong eleksyon.


photo and words by: jeklog
@ Pacita Elementary School, San Pedro, Laguna

Thursday, March 25, 2010

TalamBuhay

Tsismis, Ekonomiya, Krimen, ATBP...
Iyong makikita sa paglipat ng mga pahina

nitong babasahing parte na ng araw mo

ibinebenta sa bawat sulok at kanto


Munting librong laman ay mga bagong istorya,

na matapos ang 24 oras ay agarang luma na

Naghahatid ng mga balitang katuwa - tuwa,

ang iba nama'y mapipilitan kang mapaluha


Ang ibang seksiyon ay magsasabi sa iyo,

estado ng bansa, pagpapatakbo ng gobyerno

Ang ilan pa ay magpapainit ng dugo't ulo

Sa ngitngit at galit o dili naman sa mapaglarng konteksto


Ito ang talaan ng bawat pangyayari

mga kwento ng buhay maliit man o malaki

Kulturang nagsimula pa sa panahong di na maalala

bahagi na ng buhay ng mayaman man o ng madlang masa


photos and words by: jeklog
@ Dapitan St., Manila

Wednesday, March 24, 2010

Kampanyero


Progreso, Pagbabago, Sipag, Talino
Mga pangako at katangiang iiwan ko sa inyo
Pero bago ninyo makamit ang mga ito,
ay dapat munang pumalagay sa akin sa A'Diyes ng Mayo

Ibubuhos ang lahat ng pera, pagod at pondo
sa pag-iikot sa iba't ibang mga bario at sitio
Makuha lang ang kiliti at tiwala ninyo,
at matiyak ang aking pagka panalo

Nakapako sa bawat poste at puno mukha ko
ngiting walang kasing lawak at amo
Nagsasabing ako ang nararapat na iboto,
dahil ako ang sagot sa pag ginhawa ng buhay mo

Ganito ang itsura ng bawat kandidato
ituring mo raw na kaibigan, kabatak, kompañero
Pero matapos ang kampanya at maluklok sa puwesto,
tapos na rin ang palabas at maihahayag na ang tunay na pagkatao

Sunday, March 21, 2010

Metro Gwapo


Kisig, Tikas, Yabang, Angas
Sa aking pagkakatayo dito, nooý nakataas
Paniniwala sa sarili sobra sa lakas
Pagtingala sa akin ng iba tila ay likas

Eh anong paki ko kung hindi ako macho?
Madadala naman to ng itsura ko,
Kilabot ako ng mga babae sa kolehiyo
kaya mga nanay ingatan ang mga dalaga ninyo

Oo, hayag naman na di ako artistahin
pero pagkalugod sa sarili ay sa iyo lang manggagaling din
Pagtanggap kung sino at ano ka talaga,
ang siyang may saysay at halaga

Huwag mong hayaang paligid ang mag sabi sa iyo
na ikaw ay hindi sapat at di simpatiko
Tanggapin ang sarili at magpasalamat na ikaý kumpleto,
Ikaw ay mabikas na nilalang, ang natatanging Metro Gwapo.

photo and words by: jeklog
@ Arlegui St, Manila


Tuesday, March 16, 2010

Kupas na Oras


Minuto, Segundo, Noon, Ngayon
Walang sing bilis ragasa ng panahon
Ang kani-kanina lang ay pagkabukas na'y kahapon
Ang akala mong kailan lang eh noon pa palang isang taon

Di namamalayan pagdaan ng mga bagay bagay
Isang saglit ay pangarap maya maya'y iyo nang taglay
Ang dati namang kayang gawin ng walang kahirap-hirap
Ngayon oras sa paggawa sa mga ito'y hindi na makahanap

May mga panahong nais mo nang balikan
saya, tuwa at kapayakan ng kabataan
Pero nang magbalik ulirat mula sa alapaap,
ay bigla rin ang muling pagharap sa hinaharap

Lasapin ang bawat sandali ng buhay na kumakaripas
Huwag magmadali sa iyong pagtahak ng landas
Dahil ang mga nakaligtaang namnamin na oras
Iiwan ka ng walang bakas at sa memorya'y kukupas


photo and words by: jeklog
@ Laon Laan, Manila


Saturday, March 13, 2010

BibiTiwala

Sabit, Kapit, Paghawak higpitan
konting tiis na lang at mayroon nang makakamtan
Lahat ng bagay na iyong pinaghirapan
ay may katapat din na pabuya sa katapusan

Ang akala mong sakripisyong walang hanggan,
di maglalaon swerte ay ikaw din ay aabutan
Siguro nga panapanahon lang yan
marahil di mo pa oras para sa kaginhawaan

pero minsan di mo maialis na mapanghinaan
lakas ng loob tila nawawalan
Kasi iyong ginagawa parang walang pupuntahan
bawat araw na kumikilos patungo sa kawalan

Tiwala lang siguro at pananalig
doon sa Taas na una sa ating umibig
Buhay ipagpapatuloy at hindi bibitiw
buhay ay sasayaw din sa tamang saliw

photo and words by: jeklog
@ Ayala Bridge, Manila


Thursday, March 4, 2010

Positibong Anggulo

Pasakit, Pagsubok, mga bitbit at himutok
dito kadalasang atensyon nati'y nakatutok

Gulo at pasanin palagiang nakikita

nitong minsang bulag nating mga mata


Pagsulyap sa buhay tila kay dilim

na parang may oras na di na kayang maatim,

Pero nasubukan mo na bang mayroong baguhin,

ibahin ang pokus ng iyong pagtingin


Na sa bawat pagdurusa ng iyong nadarama

sana rin ay may kagandahan kang napupuna

na sa gitna ng basura mong nakikita

may pag-asa pa rin palang nagbabadya


Minsan kaligayahan ay nasa atin lang din

Kung hindi lang ang pangit ang bibigyang diin

paglaanan ng kahalagahan mga nagpapasaya sa iyo,

sipatin ang buhay sa positibong anggulo


photo and words by:
jeklog @ Binondo, Manila