Thursday, September 29, 2011

Antay Salakay


Taon, Linggo, Araw, Oras
Ilang sandali na nga ba ang lumipas?
Sa pag-aabang ng tamang panahon,
Upang sa inip na nadarama ay umahon.

Pagdating ng araw na pinapanaginipan,
Pagkawala ng oportunidad hindi na hahayaan
Paghihirapan ito at papahalagahan,
Tagumpay na nais ay pagpupunyagihan

Ngunit habang hindi pa ito dumarating,
Biyaya sa araw-araw ay siya na lang ang bibilangin
Hindi panay hinaharap ang hinahanap,
Dahil ang kasalukuyan ay may makikikita pa ring sarap.

Lahat naman ay may oras na nakatakda,
Sa pag-aantay ay huwag tuluyang masuya
Darating din ang araw ng iyong pagsalakay,
Patungo sa lugar ng minimithing tagumpay.

Photos and words by: jeklog
@ Lucban, Quezon
Guhit Kamay

Monday, January 24, 2011

Guhit Kamay


Paikot, Pahaba, Kanan, Kaliwa
Saan man dalhin ng gabay ang aking pluma
Panimula’y tila yata walang saysay
Nang maglaon ay makikita gandang taglay

Ihambing ito sa buhay na kinabibilangan.
Mga pinagdaraanan natin parang walang patutunguhan.
Bungkos-bungkos na tanong at pagaalinlangan,
ating ibinabato sa may Kapangyarihan.

Pero ika nga nila, lahat talaga ay may kadahilanan.
Pananalig sa Maykapal lamang ang kailangan.
Sa bawat liko at pangyayaring sa atin nagaganap,
ay mabubuo ang plano ng Diyos sa hinaharap.

Tiwala lang sa Kanya ang paniwalaan ng higit,
Sapagkat may rason ang lahat ng kanyang iginuguhit.
Sa papel mong buhay, kamay ay pasikot-sikot
Di magtatagal and tunay na ganda nito ay iyo ring mapupulot.

photos and words by: jeklog
@ Morayta, Manila

Have you ever felt this sudden urge to ask God what the hell is He doing in your life? That you want to cut the chase to see what really is bound to happen to you? Is what you are doing now, something essential to your destination? Or you are just shilly-shallying instead of being the next best thing? When is your time to be on top? Are the twists and turns that you are feeling going to lead you somewhere or at the end they are just going to make you throw up? That you want to pirate a copy of your life’s walkthrough so that you can get everything that is fated to be yours? So many questions about our life and our Guide fill our minds. As of this moment, I too do not have the answers to these queries. Perhaps the thing that will de-clutter our minds with these schemes will only be Trust in the Him, the Guide.

Friday, January 14, 2011

Silid Aralan



Nene, Totoy, Tinay, Nonoy
Maupo na ang lahat, andito na si kuya Buboy
Naihanda niyo ba ang inyong takdang aralin?
Mga bagong leksyon ngayon ang ating tatalakayin.

Makinig at itatak sa utak niyong kuwaderno
Mga mumunting aral at maikling mga kwento,
Na sana’y mamalagi sa mga kukote ninyo,
At magbigay dunong sa gutom na ulo

Magkaroon sana ng saysay aking krusada,
Maghatid karunungan aking adbokasiya.
Kapos man sa gamit at teknolohiya,
Aking tinig na lang ang gawing pisara.

Ang amin mang silid ay mismong kalsada,
Ang aming napag-aralan ang siyang mahalaga.
Pormal na edukasyon man kami ay pagkaitan,
Ay may mga puso paring may dalang paraan.

photos and words by: jeklog
@ P.Noval St., España, Manila

Class Room

As I was navigating my way through River Espana in the hunt of the elusive “Belly of the Beast” (Isaw), my comrade pointed towards an unlikely vista. With high hopes that we can finally harpoon this monster of a street meal, I saw something else. A flock of juvenile Juans and Marias seated contentedly along the outskirts of the boulevard has stolen my sight. I approached them as I took blurred shots of the group. I sparked a conversation with their mentor named “Buboy” and asked permission to have better shots of them. I luckily had a few subpar shots, enough to hotwire my imagination and tell their story my way. These are the moments that I am constantly reminded of how privileged I am to have formal education. I keep on wining about hardships in schools before well in fact, I was fortunate enough to be in one. Comparing myself to these children, I suddenly realized that they are not that ill-fated as I thought. They had their Kuya Buboy to be their “Master Splinter” that will guide them through the things that matter in life. Short stories and essential lessons that will make a kid survive through adulthood are transferred in this fractional encounter. I cannot help but give my thumbs up to the “Efrens” of the street, more so, the “Buboys” who have yet to be even noticed and commended to accomplish a noble job well done. As long as we have them, classrooms will not just be a term described in terms of being a room where classes are held, they will be turned in to places that have enough room to have a class.


Friday, January 7, 2011

Larawan ng Palaruan


Bata, Matanda, Dalaga, Binata
sa lugar na ito lahat ay nakikita,
tipunan ng samu't saring tao
hiyawan sa bawat pukol at bato.

paligsahan sa lansangan ng halo-halong kabataan
samahan mo pa ng magugulang na may katandaan,
kadalasang kinararatnan ay hamunan at pustahan
pakatandaan na ito'y isang laro lamang at di seryosohan.

Simpleng saya ng tao ay di matatawaran
pagiging mababaw ay di' dapat pulaaan
kung minsan nga ay mas ramdam pa ang ligayang totoo,
sa mga bagay na payak at di komplikado.

Kung tutuusin ay ganito dapat ang larawan,
ng tunay na pook palaruan
lugar para magpakabata at makipag tawanan
ng walang pag-iimbot at alinlangan.

photos and words by: jeklog
@ San Ildefonso, Bulaca
n


It will always be a common thing to see “half courts” or half of a basketball court installed ingeniously in every corner of a typical Flip alley. People gather around these places not primarily to show their ball handling or shooting prowess, but most of the time, it is all about having fun. The spirit of competition is a given in street culture but beyond this, is the genuine aim to have pure and uncomplicated fun. This is the kind of enjoyment that the “now” generation fails to appreciate. Everything seems to be so governed by the online armada of social networkers that we forgot how real social networking ticks. Gone are the days that the bliss of being physically in a group and spending time with each other in the streets is the way to go. Now, the information super highway that is The Internet, is our street. Back then, “shout outs” literally mean “to shout out” and the perfect place to experience this is the Half Court. The sudden gush of emotion to up your team’s morale or to destroy the opposition’s ego is the meaning of “shout out”. As a street-eye, I would like to take more photos of these subjects. Is it just me being of age? Or do I just miss the good old days when the perfect picture of fun is to play ball with a bottle of “Pop Cola” on the line?

Wednesday, May 12, 2010

ELeksyon


Plataporma, Progreso, Ginhawa, Proyekto
Mga pangakong binitiwan ng mga kandidato
Lahat ay bibigyang saysay sa araw na ito
Sa araw na ang taong bayan ay boboto.

Maagang gumayak patungo sa presinto
para subukin sistemang makabago
Ngunit pagdating eh, pila'y di matanaw ang dulo
Kaliwa't kanan ay nag-aalburutong tao

Humanay, umupo, nainip, nagpaypay
Tiniyagang mag-antay hanggang balota'y mapasakamay
Kodigo'y inilabas, panulat na itim dali-daling ikinaskas
doon sa loob ng bilog, iningatang hindi lumagpas

Ilang minuto'y nakaraos na rin sa wakas!
nakapili na rin ng mga lider at mambabatas.
Pagsubo sa PCOS dumating ang oras,
sana naman ay tanggapin at hindi ilabas

Papel ko'y ipinasok sa bunganga ng makina
aba'y mantakin mong iniluwa ng pesteng walanghiya!
Sinubok muling ipakain makalawang pagkakataon,
Salamat Lord at ang mensahe'y congratulations! *whew

Nawa'y eto na ang simula ng pagbabago
sana naman mga politiko'y maging totoo
Sana kahit papano'y may nakuhang leksyon
Ngayong panahon ng automatikong eleksyon.


photo and words by: jeklog
@ Pacita Elementary School, San Pedro, Laguna

Thursday, March 25, 2010

TalamBuhay

Tsismis, Ekonomiya, Krimen, ATBP...
Iyong makikita sa paglipat ng mga pahina

nitong babasahing parte na ng araw mo

ibinebenta sa bawat sulok at kanto


Munting librong laman ay mga bagong istorya,

na matapos ang 24 oras ay agarang luma na

Naghahatid ng mga balitang katuwa - tuwa,

ang iba nama'y mapipilitan kang mapaluha


Ang ibang seksiyon ay magsasabi sa iyo,

estado ng bansa, pagpapatakbo ng gobyerno

Ang ilan pa ay magpapainit ng dugo't ulo

Sa ngitngit at galit o dili naman sa mapaglarng konteksto


Ito ang talaan ng bawat pangyayari

mga kwento ng buhay maliit man o malaki

Kulturang nagsimula pa sa panahong di na maalala

bahagi na ng buhay ng mayaman man o ng madlang masa


photos and words by: jeklog
@ Dapitan St., Manila

Wednesday, March 24, 2010

Kampanyero


Progreso, Pagbabago, Sipag, Talino
Mga pangako at katangiang iiwan ko sa inyo
Pero bago ninyo makamit ang mga ito,
ay dapat munang pumalagay sa akin sa A'Diyes ng Mayo

Ibubuhos ang lahat ng pera, pagod at pondo
sa pag-iikot sa iba't ibang mga bario at sitio
Makuha lang ang kiliti at tiwala ninyo,
at matiyak ang aking pagka panalo

Nakapako sa bawat poste at puno mukha ko
ngiting walang kasing lawak at amo
Nagsasabing ako ang nararapat na iboto,
dahil ako ang sagot sa pag ginhawa ng buhay mo

Ganito ang itsura ng bawat kandidato
ituring mo raw na kaibigan, kabatak, kompañero
Pero matapos ang kampanya at maluklok sa puwesto,
tapos na rin ang palabas at maihahayag na ang tunay na pagkatao

Sunday, March 21, 2010

Metro Gwapo


Kisig, Tikas, Yabang, Angas
Sa aking pagkakatayo dito, nooý nakataas
Paniniwala sa sarili sobra sa lakas
Pagtingala sa akin ng iba tila ay likas

Eh anong paki ko kung hindi ako macho?
Madadala naman to ng itsura ko,
Kilabot ako ng mga babae sa kolehiyo
kaya mga nanay ingatan ang mga dalaga ninyo

Oo, hayag naman na di ako artistahin
pero pagkalugod sa sarili ay sa iyo lang manggagaling din
Pagtanggap kung sino at ano ka talaga,
ang siyang may saysay at halaga

Huwag mong hayaang paligid ang mag sabi sa iyo
na ikaw ay hindi sapat at di simpatiko
Tanggapin ang sarili at magpasalamat na ikaý kumpleto,
Ikaw ay mabikas na nilalang, ang natatanging Metro Gwapo.

photo and words by: jeklog
@ Arlegui St, Manila


Tuesday, March 16, 2010

Kupas na Oras


Minuto, Segundo, Noon, Ngayon
Walang sing bilis ragasa ng panahon
Ang kani-kanina lang ay pagkabukas na'y kahapon
Ang akala mong kailan lang eh noon pa palang isang taon

Di namamalayan pagdaan ng mga bagay bagay
Isang saglit ay pangarap maya maya'y iyo nang taglay
Ang dati namang kayang gawin ng walang kahirap-hirap
Ngayon oras sa paggawa sa mga ito'y hindi na makahanap

May mga panahong nais mo nang balikan
saya, tuwa at kapayakan ng kabataan
Pero nang magbalik ulirat mula sa alapaap,
ay bigla rin ang muling pagharap sa hinaharap

Lasapin ang bawat sandali ng buhay na kumakaripas
Huwag magmadali sa iyong pagtahak ng landas
Dahil ang mga nakaligtaang namnamin na oras
Iiwan ka ng walang bakas at sa memorya'y kukupas


photo and words by: jeklog
@ Laon Laan, Manila


Saturday, March 13, 2010

BibiTiwala

Sabit, Kapit, Paghawak higpitan
konting tiis na lang at mayroon nang makakamtan
Lahat ng bagay na iyong pinaghirapan
ay may katapat din na pabuya sa katapusan

Ang akala mong sakripisyong walang hanggan,
di maglalaon swerte ay ikaw din ay aabutan
Siguro nga panapanahon lang yan
marahil di mo pa oras para sa kaginhawaan

pero minsan di mo maialis na mapanghinaan
lakas ng loob tila nawawalan
Kasi iyong ginagawa parang walang pupuntahan
bawat araw na kumikilos patungo sa kawalan

Tiwala lang siguro at pananalig
doon sa Taas na una sa ating umibig
Buhay ipagpapatuloy at hindi bibitiw
buhay ay sasayaw din sa tamang saliw

photo and words by: jeklog
@ Ayala Bridge, Manila