Monday, June 8, 2009

Paglasap sa Ulap


Pangarap, Mithiin, Panaginip, Tagumpay
Ilang mga bagay na gusto mong mapasakamay
kaya pagtitiyaga ang iyong pinagtiyatiyagaan
upang buhay mo ay may patunguhan

Oo nga't mga musmos pang naturingan,
bata pa sa mata ng karamihan,
pero sa kanila sisibol ang bukas
darating din ang panahon na lalabas kanilang gilas

Pero ngayo'y nagbubuo pa lang ng kanilang mga gusto
Namimili pa at unti-unting natututo,
Lawak ng kaalaman ay tila makitid pa,
balang araw potensyal nila ay di na madidipa.

Kaya pabayaan mo muna sila mangarap,
Hayaan munang lahat sa utak ay maganap
Ibigay sa kanila ang sarap ng paglasap
Pagtamasa ng natupad na mithiin sa ulap.

photo and words by: jeklog
@ Pacita Complex, San Pedro, Laguna


Sunday, June 7, 2009

Mani-Obra


Adobo, Nilaga, May balat, Wala
Halo-halong luto at paghahanda
nitong tumpok ng pagkaing dala,
na pinagkakakitaan ko at ng aking pamilya

Sa umaga'y abala na sa pamimili,
ang anak nama'y handa na, kawali ay nakasindi,
ilang bahagi ay lalagain sa tubig na kumukulo,
ang iba'y sa mainit na mantika iluluto.

Tsaka ilalako sa buong maghapon,
mga produktong hindi madali matipon,
makikita kami sa kung saan-saan,
sa kalsada, bangketa, bus at sa kung saan man datnan.

Nawa'y mga tao'y tangkilikin,
maning itinitinda, inyong bilhin,
Obra ko tong mababansagan,
sapagkat ang paghahanda nito ay pinaghirapan

photo and words by: jeklog
@ Lucban, Quezon


Saturday, June 6, 2009

Sarang-Gulang


Kaalaman, Abilidad, Talino, Pagkatuso
Mga bagay na itinuturo ng karanasan ng tao,
habang tumatanda, lalong pinalalawak
dunong na kinakain ng gutom na utak

Pero minsan hindi sapat itong karunungan,
para ang buhay sa mundo ay maisahan,
minsan kailangan din ng pagka-maabilidad
at gamitin karanasan at edad.

Kaya bata makinig ka sa aking salita
minsan tagumpay ay hindi palagi nakukuha
sa paraang madali at patas sa madla
minsan ito'y nadadaan sa kapalan ng mukha

Minsan upang maging matayog lipad ng saranggola.
ay kailangan ding maging tuso at maka-isa
malungkot mang ihayag na mayroon ding pakinabang,
ang paggamit ng kakayahang mang-gulang

photo and words by: jeklog
@ University of Santo Tomas Soccer Field, Espana, Manila

Friday, June 5, 2009

Buhay Ukay


Halo-halo, Bungkos-bungkos, Limpak-limpak, Ga-bundok
Samu't saring kagamitan ang dito'y naka-tumpok
lahat ng puwede pang maitinda,
ay ibebenta basta may silbi pa.

mula sa mala-osong jacket na di ka magka-mayaw kung san gagamitin,
hanggang sa sapatos na ang kapareha ay di malaman kung alin,
mga branded na short, damit at sumbrero,
na di mo rin alam kung bakit amoy nila'y pare-pareho.

Lahat dito ay bagsak presyo,
mga gamit na dating pagmamayari ng ibang tao,
patay man o buhay ang pinanggalingan,
importante ay puwede pa itong pakinabangan.

Bunga ng utak-praktikal sa negosyo,
kaya nag-usbungan ang bentahang ganito,
sa paraang ito tumatakbo ang buhay
mamamayang napapasaya sa imported na ukay-ukay.

photo and words by: jeklog
@ Kamias Road, Quezon City

Thursday, June 4, 2009

Maligayang Paglisan

Paalam, Von Voyage, Hanggang sa muli, Babay
Karaniwang sambit sa landas na naghihiwalay,
Lungkot at lumbay sa mga mukha ay bakas,
sapagkat may kulang na sa piling nila bukas.

Ngunit sa bansang puno ng paghihirap at dusa,
at ang pag-alis ang mainam na paraan para kumita ng pera,
Imbes na luha ng kalungkutan ang mangibabaw,
ay sapilitang ngiti na may pag-asa ang siyang tanaw.

Pag-asang sa hakbang na ginawa ay makapagbibigay,
ng pag-asenso at kaunting pag-angat sa buhay,
na sana ang kapalit ng pagtitiis ng pagkakalayo sa pamilya,
ay ang pagluwag at pagbuti ng lagay nila.

Ngayon ang sakripisyong paglisan sa bansang sinilangan,
ay siyang pinagpupunyagian upang makamtan,
hindi na iindahin ang lungkot at hirap na madarama,
sapagkat ligaya na, ang makitang mga mahal ay guminhawa.

photo and words by: jeklog
@ South Luzon Expressway

Wednesday, June 3, 2009

Mini Mento


Bayani, Mandirigma, Dakila, Sundalo
Mga nakahayag na mukha sa rebulto,
karaniwang sila ang siyang mga tampok,
ng mga obra ng mga bantog na manlililok.

Pero limitado ba sa mga ganitong paksa?
ang sining ng pagawa at paglikha,
ng mga modelong yari sa bato,
mga tatak ng pinagpipitaganang tao?

Tignan niyo ang mga musmos,
di ba't ang sarap pagmasdan ng lubos?
Mga ngiti at saya ay walang pagpapanggap,
puro at totoo mga ekspresyong inihaharap.

Bilib lang ako sa nakuhang litrato,
dahil porma nila'y kayang tapatan anumang monumento,
itong mga bata ang siyang sumisimbulo,
pinaka payak na anyo ng kaligayahan ng tao.

photo and words by: jeklog
@ Lucban, Quezon

Tuesday, June 2, 2009

Key Ko

Kinabukasan, Kilos, Kusa, Kabataan
Ilan lamang sa mga pinagtutuunan
nitong mambabatas na ating pinagkatiwalaan,
na siyang magbigay ng pagbabago sa ating bayan.

Ngayo'y bulong-bulungan na siya'y tatakbo,
sa posisyong ikalawang-pangulo,
ang akin eh sige nga sir, nang maipakita mo,
kung paano maglingkod at hindi magpaka-trapo

Walang ibinabandilang partido,
sawa na sa pagiging makalumang pulitiko,
Indipendiente niyang haharapin,
hamon ng eleksyong sa 2010 nakahain

Siya kaya ang hinihintay ng madla?
bayaning may gawa at hindi puro salita,
Nawa'y siya na nga ang susi
ng kaunlarang kay tagal ko nang minimithi


photo and words by: jeklog
@ Lucban, Quezon, Register and Vote drive