Sunday, April 26, 2009

Ako'y may Alaga


Tagpi, Batik, Blacky, Bantay
Ilan sa karaniwang ngalan ng hayop na kaakbay,
Mga nilalang na kasama sa buhay,
katapatan sa amo di' matatawarang tunay.

"Ako'y may alaga, Asong mataba
Buntot ay mahaba, Makinis ang mukha,
Mahal niya ako, at mahal ko rin siya,
Kaya kami ay laging magkasama."

Ito ang popular na istorya na ating natutunan,
turo pa sa atin ni Mam sa eskwelahan.
Pero sa buhay ko ay may nabuoong bersiyong bago,
Lika pakinggan nyo aking kwento.

Ako'y maraming alaga, Sa hangin ay mataba,
Sila'y aking binobomba, sa umaga tuwi-tuwina.
Mga buntot nila'y mahaba, dito ko sila hawak,
Sapagkat marunong sila lumipad kahit walang pakpak.

Mahal nila ako, Mahal ko rin sila,
pero kailangan ko sila ibenta ng mura.
Sa ganitong paraan, ako rin kanilang inaalagaan,
kasi sa kinikita sa kanila, hirap naiibsan.

Sandali ko lang sila nakakasama, kasi mabilis sila mawalan ng hininga
Pero sa saglit na napagsamahan, tulong sa akin ay di' matatawaran
Sapagkat kinakain sa araw-araw, sa kanila ko tinatanaw,
Ako ay may Alaga....Bow...

photo and words by: jeklog
@ San Pedro Highway, Laguna




Saturday, April 25, 2009

TamBolero


Musika, Awit, Saliw, Tunog
Ito lamang ang aking dala at handog.
Sa pag-akyat ko sa jeep na pampasahero,
dala-dala itong ginawa kong instrumento.

Instrumentong yari sa lata, goma at tubo,
sabayan pa ng ilang katutubong awit mula sa tribo.
Ito ang pangunahing gawaing pangkabuhayan,
nagbabaka-sakali na sobreng-panglimos ay mahulugan.

Mga Badjao na sa siyudad ay naligaw,
umasang ginhawa ay dito matanaw.
Ngunit pagdating dito, ilan nasama sa sindikato,
ginawang puppet upang sa tao'y manloko.

Ilan sa tulad nila ay sa pambobola ay bihasa,
pero karamihan sa kanila ay walang intensiyong masama.
Nais lamang na sa kaunting himig at tugtog ng tambol,
sa rumaragasang takbo ng buhay makahabol.

photo and words by: jeklog
@ Kamias, Quezon City


Friday, April 24, 2009

Payong Kaibigan


Kasama, Kapatid, Ka-tropa, Kabarkada
Yan ang turingan naming dalawa.
Walang iwanan sa hirap at ginhawa,
Sa pagluha, pagtangis, pagkatuwa at tawa

Namulat na kami ng sabay,
sa mga bagyo nitong buhay.
Sa musmos naming edad walang ibang inasahan,
kundi ang aming madikit na samahan.

Tenga ng isa ay palaging ready,
uhaw sa mga kwento at pangyayari,
taos-pusong sabik sa pakikinig,
sa mga salitang lumalabas sa kabilang bibig.

Sa buhay ay wala nang ibang sinilungan,
kundi itong payong ng aking kaibigan,
sa ulan man o sa hagupit ng araw,
ang tanging sasakluban ko ay ikaw.

photo and words by: jeklog
@ Landayan, Laguna


Wednesday, April 22, 2009

Ganting-Pala


Asta, Baon, Hila, Hakot
Lupang aking huhukayin ay katakot-takot.
Ilang milya pa ang bibilangin,
bago matapos inatas sa aking gawain.

Trabaho'y magbungkal dito sa tagiliran,
ng mga mahahabang lansangan,
nang maiayos daloy at agos
ng trapiko at daanang naghihikahos.

Hirap at init kaya kong tiisin,
bigat at pawis hindi na pinapansin.
Iisipin na lamang yaong kapakanan,
at ang ihahain sa hapag-kainan.

Kung ginhawa at saya sa pamilya ang kapalit,
sakit at init ay di-iindahing pilit.
Hihintayin na lang yaong bunga at ganti,
nitong pagpapala ko sa lupa ng matindi.

photo and words by: jeklog
@ EspaƱa, Manila

Tuesday, April 21, 2009

Basur-Hero


Burak, Plastik, Nabubulok, Hindi
Samu't saring mga bagay na dinadampot palagi.
Sa kung saan-saang dako ako inaabot,
nitong trabaho kong taga-hakot.

Simulain nito'y pagsabit ko sa puwetan,
Nitong truck naming sinasakyan,
tsaka kami dinadala sa bawat kanto,
nang maisakay na tinipong kargamento.

Pagka-diri ay akin nang kinalimutan,
dumi ay tinanggal na rin sa kamalayan,
ultimo ilong ko ay ginawa nang manhid,
upang sangsang at baho ay mawalan ng bahid.

Trabahong di pipiliin ninoman,
itong propesyon kong pinasukan,
pero sana sa mata niyo ay ituring ding bayani,
Bakit? kaya niyo bang mamulot ng basura sa tabi-tabi?

photo and words by: jeklog
@ Quiapo, Manila


Saturday, April 18, 2009

Asong Oh-LOL


Mamalimos, Mag-arikmetik, Kumanta, Magpasikat
Walang imposible sa mag-utol na si Bagwis at Habagat
Sa kung saan-saang kalye mo sila makikita sa Maynila,
Naghahasik ng ngiti, tawa at tuwa.

Kilalanin ninyo muna itong unang turuan,
Habagat ang siyang ipinangalan.
5-taon nang nagpapakita ng gilas.
Mangilang beses na rin sa wowowee lumabas.

Di pahuhuli itong tagping si Bagwis.
sa talino't abilidad hindi magpapapanis,
Medyo nahuli lang naturuan,
pero di naglaon kapatid niya'y natapatan.

Silang mga asong katuwang sa buhay,
na umaasa lamang sa donasyon na ibinibigay.
Kaya sana sa munting pagtatanghal sa entablado,
nawa'y humagalpak kayo sa pagkatuwa kahit papaano.

photo and words by: jeklog
@ Morayta, Manila

Friday, April 17, 2009

Gulong ng Palad



Taas, Baba, Hirap, Ginhawa
Mga posisyon ng buhay na itinakda parang roleta.
Walang sigurado, kadalasan panandalian,
minsan nasa tuktok, mamaya muling nasa sulukan.

Kapag inayunan ka ng tadhana,
biyaya ay tila bumabaha,
pero kapag bagwis ng alat ikaw natutukan,
para ka namang binuhusan ng kamalasan.

Oo nangyayari mga bagay na ito,
walang ligtas sa ganitong proseso.
Mahirap man tanggapin at sang-ayunan,
ay tunay na may aral na matututunan.

Mag-ipon, Mag-ingat, Magpasalamat kapag ramdam ang buenas,
Magtiis, Magsikap, Magdasal naman kapag nadapuan ng malas.
Sadyang ganito ang paggalaw, pag-usad, paglakad.
nitong mahiwagang gulong ng palad

photo and words by: jeklog
@ Tutuban, Manila


Thursday, April 16, 2009

Panandaliang-Aliw

Ngiti, Pose, Bungisngis, Porma
Mga ayos namin ay nakahanda na.
Kaya bilisan mo ang sa amin pagkuha,
bago pa magbago ang aming timpla.

Lente mo ay sa amin iharap na,
pindutin mo na ang butones ng kamera.
Baka mamaya amin nang maalala,
sa buhay ay dinaranas na dusa.

Bago pa namin mabalikan,
yaong paghihirap na kinalalagyan,
Sana naman iyo nang nakuhaan,
Sariwa naming ngiti at tawanan.

Sana rin bigyan mo kami ng kopya,
litratong iyong kinuha,
upang kami'y may matagong alaala,
panandaliang aliw naming nadama.

Photo and words by: jeklog
@ San Pedro Plaza, Laguna



Wednesday, April 15, 2009

Kawalang Malay


Inosente, Musmos, Bulilit, Bata
Yan ang tingin sa akin ng matatanda.
Kulang sa karanasan at kaalaman,
sa buhay ay bubot pa at walang patutunguhan.

Sa kadahilanang ito ako sa inyo lalapit.
Nawa'y kamusmusan ko ay sa wasto magamit.
Sana nga ako'y maging mumunting binhi,
na balang araw tutupad sa mga pangarap ninyong minimithi.

Kaya hinaing ko sa inyong mas may edad,
inyong gampanan ng mahusay ang responsibilidad.
Na ako'y tunay na magabayan,
na maging mapagpunyaging mamamayan.

Sana sa abot ng inyong lakas kami ay matulungan.
nang sa lipunan ay hindi maging kawalan.
Na sana'y buhay ay magkaroon ng kahulugan,
malay mo ako ang ang natatanging pag-asa ng sambayanan.

Photo and words by: jeklog
@ Tondo, Manila


Tuesday, April 14, 2009

Tahol Aso


Quiapo, Lawton, Buendia, City Hall
Boses ko ay buong lakas ko ipinukol.
Halina't sumakay dito sa jeep na nag-aabang.
nang bulsa ko naman ang siyang makinabang.

Singko Pesos ang abot sa akin kapag matagumpay,
na nakapagpaupo ng pasaherong sasakay.
Tsaka naman lilipat sa susunod na sasakyan,
at yun naman ang susubuking pasahero'y lagyan.

Mula bukang-liwayway hanggang gabihan.
Overtime ang trabaho ng aking lalamunan.
Kahit garalgal na sa kakasigaw,
itong boses kong sa ginhawa'y uhaw.

Ganito ang buhay ng mga "barker" na nabansagan,
na sa mala-asong tahol namumuhunan.
Panalangin sa araw-araw na nagdaan.
Pulis at MMDA hindi kami pagkadiskitahan.


Photo and Words by: jeklog
@ Quiapo, Manila

Monday, April 13, 2009

Alak-dan

Bilog, Lapad, Long neck. Mucho
Mangilan lang sa mga tropa't barkada ko
Bestfriend ko si Gran Ma at Emperador,
Ngunit naglaon isa-isa silang sa aki'y trumaydor.

Noo'y langit pakiramdam kapag sa kanila'y lango,
at matitigilan lang kapag meron nang sumundo.
Ang kaso ang siyang sumusundo sa akin,
ay may lambanog at papaitan ding inihain.

Tuloy-tuloy lang ang aking ligaya.
Kahit naisuka na ilang bahagi ng aking bituka,
isip ko kasi noon ay mapapawi rin ang pagkalasing,
sa kinabukasang pagmulat at pagising.

Ngunit dumating ang oras na pagbukas ko ng aking mata,
may salamin nang sa aki'y naka-kwadra.
Sa alak pala ay nalunod nang tuluyan,
at nabilang na rin sa mga nabitag ng lason ng alakdan

Photo and words by: jeklog
@ The Bar, San Pedro, Laguna

Sunday, April 12, 2009

Regalo sa Pasko


Bumangon, Bumalik, Nabuhay, Huminga
mga pangyayaring ina-ayon sa Messiah.
Sa ikatlong araw ng kanyang pagkakaratay,
Isang kaganapan na sa salita niya ay nagpatunay.

Simbulo ng panibagong umaga,
pagsibol ng pagpapatawad at pag-asa.
Pagbubukas-palad niya sa lahat ng nananalig,
marka ng kanyang walang hanggang pag-ibig.

Paghihirap sa wakas ay natapos na.
Bawat hagupit ng sakit ay sinalo na niya.
Upang hindi na tayo makaranas.
Pagkapako sa krus doon sa talampas.

Lahat ay magsaya sa kanyang pagbabalik.
Salubungin siya ng ngiti, yakap at halik.
Panibagong buhay sa ati'y kanyang iniregalo,
sa Pasko ng pagkabuhay ngayong linggo.

Photo and Words by: jeklog
@ Sto. Rosario Parish Church, San Pedro, Laguna

Saturday, April 11, 2009

Pangakong Ipinako


Messiah, Tagapagligtas, Panginoon, Kristo
Mga bansag sa tanging anak ng lumikha ng mundo.
Bilang regalo niya sa mga nilalang niyang mamamayan,
patunay na kahit abo may halaga sa kanyang kaharian.

Pero sa pagdapo ng kalapating ngalan ay Hesus sa daigdig,
sa kanya'y sumalubong hindi pag-gayak at pag-ibig.
Kundi pagdurusa, hinagpis at poot.
Na sa katauhan ng mga tao na ay nanuot.

Ngunit hindi ito humadlang sa kanyang misyon.
Sa halip pangangaral ng pagmamahal ang kanyang tugon.
Pumaroon at pumarito, nagpalaganap ng salita,
salitang nagnanais iligtas ang madla.

Subalit sa ika-33 taon ng kanyang buhay,
dugo ng galit at kasamaan ang nanalaytay.
Mga tao 'y nagtipon at sabay-sabay ipinako,
yaong taong sa ati'y ibinigay at ipinangako.

Photo and words by: jeklog
@ San Pedro, Laguna





Friday, April 10, 2009

Lakbay Alalay


Bali, Pilay, Lumpo, Imbalido
Iba't ibang ngalang sa akin ay ibinabato.
Tingin nila sa akin, kwenta ay wala na,
noong madisgrasya kaliwa kong paa.

Kondisyon ko ay pilit inahunan,
hanggang sa maibangon ko aking katayuan.
Paglaon ay unti-unti naring naihakbang,
yaong paa kong ilang buwan din natigang.

Sa laban kong ito ay may nakilalang kaakbay,
tinulungan niya ako sa lahat ng bagay.
Mula pagbangon at pag-ikot kung saan-saan,
hanggang muling lumapag likod ko sa higaan.

Mabuti pa tong kahoy kong saklay,
sinuportahan ako sa aking paglalakbay.
Di tulad ng mga taong mapagkutya, mapagmata,
imbes na alalayan ka, inalaska ka pa.

photo and words by: jeklog
@ Quiapo, Manila


Thursday, April 9, 2009

Tunaw na Panalangin


Kandila, Lata, Apoy, Puwesto
Isama mo pa ang nananalig na tao.
Ito ang siyang mga bumubuong elemento,
sa munting hanap buhay ko.

Sa pagtilaok ng manok dapat handa na,
sa tapat ng simbahan doon hihilera.
Mag-aabang ng mga taong dadaan
at siyang aalukin na madasalan.

Dasal na sa langit pinaabot sa pamamagitan,
ng pagtirik ng kandila sa latang tusukan.
Umaasang sa pag-angat ng init at usok,
mga hinaing nila'y sa pintuan ng Diyos kumatok.

Sana nga lahat ng panalangin nila'y matupad,
Nakikibahagi rin ako sa petisyon nilang hangad.
Pero ang dasal ko ay sana agaran nang matunaw,
Kandila niyo para magamit ko sa susunod na araw.

phot and words by: jeklog
@ Quiapo Church, Manila


Wednesday, April 8, 2009

Pasyon Show


Libro, Altar, Salabat, Kanta
Mga bahagi ng kinaugaliang pabasa
Pagtitipon na taunang ginaganap
Upang ipagbalik-tanaw Banal na paghihirap

Sa iba't ibang dako tao'y nagtitipon,
upang mairaos 2000-taon na tradisyon.
Walang pinipiling edad ang manganganta,
basta marunong bumasa at nakakaaninag pa ng letra.

Samu't sari rin ang tonong sinusunod,
mula kundiman hanggang sa rap na nakakalunod.
ang mahalaga ay matapos ang libro,
na naglalaman ng tala ng pagkadakila ni Kristo.

Pero minsan di na rin puro ang intensyon,
ng pagbabasa ng mahal na Pasyon.
Nahahaluan na rin kasi ito madalas,
pagpapakitang tao at pagpapalabas.

Photo and words by: jeklog
@ Pacita Complex, San Pedro, Laguna

Tuesday, April 7, 2009

Tumbang Preso


Tattoo, Rehas, Bartolina, Posas
Buhay-parusa ay tapos na sa wakas.
Kay sarap lasapin nitong kalayaan,
Lalo na kung impyerno ang iyong pinanggalingan.

Aminado naman ako sa kasalanan ko.
Kaya pagkakasuplong sa akin ay tinanggap ko ng buo.
Pagkapit sa patalim pinasok ko noong gipit.
Kapalit pala ay ilang taong pagkakapiit.

Sa loob ay marami ring natuklasan.
Leksyon ng buhay na noo'y lingid sa kaalaman.
Nagka-oras din pumasok sa pagbabago.
at pagsisihan ang salang ginawa ko.

Ngayo'y maligaya sa tinatamasa sa labas.
at masasabing sinusubok ituwid ang landas.
Nagsisikap itumba nakaraang pagkatao,
pagkataong dahilan ng aking pagiging preso.


Photo and words by: jeklog
@ Tondo, Manila

Monday, April 6, 2009

Basbas Palaspas


Itaas, Iwasiwas, Mag-antay, Matunton
at matalsikan nitong pinagpalang ambon.
Yaong binili ko na hinabing dahon,
at magsimulang umasa na ito ang tugon.

Umaasang sa pagkabasa nitong aking dala,
ay may biyaya na ring makakasama.
Dagdag mo na rin sa pamilya'y proteksyon,
laban sa iba't ibang masamang kampon.

Pero ano na nga ba ang tunay na depinisyon,
nitong gawaing ginaganap taon-taon?
Hindi ba pagsalubong sa pagdating ng Poon?
at pagtanggap niya sa inilaan na misyon?

Tila nalito na ang ilang parokyano,
sa paggamit ng tanda ng pasyon ni Hesukristo.
Imbes na alalahanin kahalagahan ng basbas,
Ginawa na lang anting-anting kanilang palaspas.

Photo and words by: jeklog
@ Sto. NiƱo Chapel, Greenbelt, Makati


Sunday, April 5, 2009

TongBars

Gupit, Ahit, Masahe, Bola
Ano pa nga ba iyong hahanapin di ba?
Sa barberya kong di mamimintis ng iyong mata.
sapagkat andirito lang sa gilid ng bangketa.

Aanhin mo nga naman ang magarbong pwesto,
kung di ka rin naman tatangkilikin ng tao.
Kaya dito ka na sa akin magpatasa,
sa kaunting hagod ko lang ay gu-guwapo ka.

Kapag mahika ko sa iyo'y nagsimula na,
gamit itong aking gunting at labaha,
Panigurado sa itsura mong bagong tabas,
mga chix magkakandarapa at di na kakalas.

Ang saklap nga lang kasi kami ay nahukuman,
na mga salita namin di na dapat paniwalaan,
kasi sa isip niyo ay walang totoong kwento,
kapag ang sumambit ay tulad kong Barbero.

Photo and words by: jeklog
@ Quiapo, Manila


Saturday, April 4, 2009

Tulog na Ilog


Agos, Lawiswis, Buhay, Kabuhayan
Ilan lamang sa mga salitang papasok sa iyong isipan.
Kapag nasambit, ngalan nitong anyong tubig
na kadalasa'y kapag nasilayan di mo maalis iyong titig.

Ngunit napano na nabuong larawan sa kukote mo?
Ihambing mo nga dito sa nakuha kong litrato!
Sa kapal at dami ng natipong kalat,
palagay ko malalakaran ko tulad ng nasa Banal na Aklat.

Imbes na pag natilamsikan ka eh ikaw ay sumaya,
Mapapaisip ka na bawat patak ay petri dish ng bacteria.
Sa duming binulok na ng panahon dito,
Mantakin mong ultimo kiti-kiti nagrereklamo

Nasaan na ang gising at rumaragasang ilog?
Siguro ay napahimbing na ang tulog.
Eh paano ba naman hindi ma-grogroggy at tutumba?
Eh inoverdose mo ng sleeping pills mong basura!

photo and words by jeklog
@ Tondo, Manila


Friday, April 3, 2009

Ayos Buko?


Masabaw, Mala-uhog, Niyog, Matanda
Samu't saring uri ng bunga aking nakuha.
Isinakay sa kariton para itulak, ilako,
nakakarating sa kung saan-saan mang dako.

Ako'y ma-alam na sa pagbiyak
gamit itong matalim kong itak.
Sa bawat pag-taga sa bilugan kong dala,
Beinte pesos na ang siyang naibubulsa.

Sa panahon ngayon eh mahirap makabenta.
Marami rin kasing kakumpitensiya.
Andiyan ang softdrinks, ice tea atbp.
kaya kailangan ko kumayod ng extra.

Ayos din lang naman trabaho ko,
propesyong binubuhay ng buko.
Kung minsan di maka-ubos kaya noo ko'y kunot.
Yaong tira-tira naman ang titipunin para gawing bunot.


Photo and words by: jeklog
@ Delta, Quezon City

Thursday, April 2, 2009

Lingkurang Palikuran


Babae, Lalaki, Ihi, Dumi
Nakakasalamuha ko sa araw at gabi.
Habang ang inyong lingkod ay umiistasyon,
at pangangasiwa sa banyo ang kanyang misyon.

Pangongolekta ng kaunting barya ang trabaho,
kapalit nito'y pagpapanatili ng malinis na inodoro,
paglalampaso ng sahig na may tulo-tulo,
pagtanggal ng sangsang, panghi at baho.

Palagay mo, kailan malakas aking mercado?
Tama! kapag tag-ulan at nilalamig ang tao.
atsaka nga pala kapag sobra ang sikat ng araw,
kasi yung iba balik ng balik kasi binabalisawsaw.

Mali mang gawain kung iyong pag-iisipan,
kasi ang pati public toilet pinagkakitaan.
Pero tanong ko lang sa iyo kaibigan,
makakapagbawas ka ba sa kadiring palikuran?

photo and words by: jeklog
@ Ayala Avenue, Makati City

Wednesday, April 1, 2009

Patay Buhay Tulay


Tapang, Tibay ng loob, balanse, kawalan ng kabog
kapag ika'y dinaga puwede kang mahulog
sa trabahong pag nagka mali, utak mo'y sabog,
kinabukasa'y durog, katawan lasog-lasog.

Yan ang sugal dito sa aming larangan,
na pinasok ko na rin kaysa walang mapasukan.
Ok lang yan, sa pag tulay nama'y may kasama ako,
ang kaso pag nagkataon, di lang isa ang laglag kundi tatlo.

Takot sa taas ay natutunan nang ibalewala,
tiwala sa kasanayan ang aking kasangga.
Simple lang naman, para lang naghahabi,
na gamit ay mahabang bakal at hindi tali o pisi.

Ito na ang gawaing sa'kin bumubuhay,
na maaari ring sa akin ay pumatay.
mas mabuti naman magtrabaho kahit delikado,
kaysa maging tambay at palamuning tao.

photo and words by: jeklog
@ Matalino St, Quezon City