Tuesday, March 31, 2009

Pamana


Luho, Alahas, Lupa, Pera
Materyal na bagay noo'y ako'y sagana.
Noong panahon na ako'y napamanahan,
at sa salapi ay di malaman paglalagyan.

Sa Alta de Ciudad ako noon nanahan,
di naalis na walang sasakyan.
Gastusin ko'y kaliwa't kanan
at sa pagwawaldas hindi mapigilan

Habang ako'y nasa tuktok,
di namalayang pundasyon ko pala ay marupok.
Imbes na magpundar at siyang nag-ipon,
Naglustay, gumasta at estado itinapon.

Sa kasalukuya'y said na ang kayamanan,
daga nga ay mas maganda ang katayuan.
natira na lang eh kahon-Kahon at Sako-sakong "Sana"
pamana ko'y saan na kaya napunta? (wala na)


Photo and words by: jeklog
@ Delta, Quezon City

Monday, March 30, 2009

Photo Kalye


Tao, Pagbabago, Dokumentaryo
Adhikain nitong natatanging grupo.
na pilit tinatahak landas na di pansin,
na responsibilidad din ng bawat mamamayan kung tutuusin.

Sumasabak sa digmaan na ang tanging sandata,
ay puso, konsensiya at lente ng camera.
Pokus ay maiiangat kamalayan ng lipunan,
sa pamamagitan ng mga nakuhang larawan.

Sa bawat pitik ay may kaakibat na aksyon,
kilos na sana'y maibsan namataang sitwasyon.
Bawat putok ay siyang nagnanais,
bawasan ang luha ng bansang tumatangis.

Mga Taong tumutulay sa pagbabago gamit ang dokumentaryo,
Layon makapagbinhi ng mapamulat na kwento.
Sana sa mga munting bagtas na ito naihayag ang mensahe,
Misyon ng grupong binansagang PHOTO KALYE.

photo and words by: jeklog
@ Tondo, Manila


* my gratitude to these people for just merely being them. (kalyetographers in action)

Sunday, March 29, 2009

Anak ng Sitio Magdalena


Eskinita, Barong-barong, Tulay, Estero
Bumubuo sa lugar na kinamulatan ko.
Pinagtagpi-tagping lungga aming tirahan,
walang bakanteng sulok na di napakinabangan.

Mangilang beses na ring sinuri ng panahon,
magmula sunog hanggang sa demolisyon.
Ngunit heto't tirik pa rin, patuloy na lumalaban,
kapit-bisig na nakikibaka bawat mamamayan.

Marahil yaong pangalan ay may kinalaman,
sa aming magkadugsong na swerte't kamalasan.
Maaaring tulad din ni Magdalena, lipunan kami'y binato, ipinagkanulo
Ngunit kahawig din niyang di namatayan ng pag-asa sa pagbabago.

Tadhana ma'y pilit kaming himukin,
ginhawa sa buhay ipagkait man sa amin,
walang puwedeng dumurog sa aming pagkatao,
mga taong sama-samang nananahan sa nagkakaisang Sitio.

photo and words by: jeklog
@ Sitio, Magdalena, Tondo, Manila
Thanks to PHOTO KALYE


Saturday, March 28, 2009

Tagasalo


Mommy, Mama, Inay, Nanay
Mga palayaw at tawag sa ilaw ng bahay.
Kay rami pang ibang puwedeng pangalan,
Pero ang sa akin ay iba, kaya dahilan ay pakinggan.

Tagasalo ang siyang nais kong ibinyag,
sa ina ko ay gusto kong ibansag.
Negatibo man ang konotasyon nito,
Pero marapatin niyong ihayag ko ilan sa mga rason ko.

Tagasalo siya sa pagsalo sa akin kung ako'y problemado,
sa sobrang ligaya ko ay siya rin ang nais kong sumalo,
Tahanan ay ramdam kapag siya ay ka-salo,
Bituka ko'y mala bodega kapag siya ang naghanda ng salo-salo.

Lahat ng pagsubok ay nakakayanang harapin,
dahil alam kong sa likod may naka back-up sa 'kin.
Ang tanging ina kong Tagasalo,
Na alam kong ok na lahat kapag nakapulupot sa akin kanyang braso.

photo and words: jeklog
@ UST Fields, Espana, Manila


Friday, March 27, 2009

Kapa sa Dilim


Kuwerdas, Tono, Tipa, Nota,
Lahat may kaugnayan sa instrumento kong pang-musika,
na nagbigay sa akin, tira-tirang pag-asa,
na mundo pala'y may natatangi pang ganda.

Gumuho ang lahat nang kadiliman ang nanaig,
Liwanag, tuluyang iniwan aking daigdig.
Noo'y galit sa tadhana ang sa akin ay bumalot,
bawat araw napuno ng hinagpis at poot.

Isang araw nakahawak ng instrumentong kurbada ang hubog,
kaagarang ang loob ay nahulog sa kanyang tunog.
Nagpunyagi upang matuto kahit paano,
Nagtiyaga habang may nagtuturong tao.

Ang aking pagkapa sa dilim ay nabigyan ng rason.
Pagkapa pala sa musika ang tugon,
Bulag na musikero man akong naturingan,
Nakakita naman ako ng tunay na kaibigan.

photo and words by: jeklog
@ EDSA-Kamuning, Q.C.

Thursday, March 26, 2009

Papa Jack

Pila, Antay, Sakay, Pedal
ganyan daw ang buhay ng tatay kong mahal.
Nagpapawis, nagbibilad para may mapakain,
matugunan ang pang araw-araw na gastusin.

Sabi ni ina sadyang masipag si ama,
marahil ito daw ang nakapagpa in-love sa kanya.
Mukha man daw niya ay mukhang sanggano,
pero sa loob nama'y marangal na tao.

May tiyaga, malasakit at paninindigan,
katangian niya kahit limitado ang napag-aralan.
kaya laging paalala ni Mama ang tamang sukat ay di sa mukha,
sipatin mo rin ang kakayanang magmahal at mag-aruga.

Yan ang Papa ko na "Pinapa" rin ni Mama,
mukha mang pinaglihi sa kahirapan ay ipinanagmamalaki namin talaga.
Binubuhay kami sa pagpapakahirap sa pagpapadyak,
Siya ang Daddy ko, ang aming Papa Jack.

Photo and words by: jeklog
@ National Hi-way, San Pedro, Laguna

Wednesday, March 25, 2009

Kung Doktor


Ayala, Ortigas, Cubao, Monumento
Pang araw-araw na ruta ng biyahe ko,
Trabaho'y tagahakot ng pasahero,
sama mo na rin paniningil sa mga ito.

Bihasa sa pag-ipit ng pera sa daliri,
dalubhasa dapat sa pagbibilang at panunukli,
sa pagkakatayo'y di basta-basta natitinag,
balanse ay may sa-pusa ang tatag.

Nangarap din naman ako noon,
ng mas matayog na ambisyon,
ambisyong makaharap sa pasyente,
at hindi ang mangolekta ng pamasahe.

Pero lakbay ko ay sinamang-palad,
Panaginip ko'y di maabot, sumobrang taas ang lipad,
Kung kaya lang sana maging Doktor na manggagamot,
Ngayo'y hindi sana kunduktor na sa tiket ay taga-abot


photo and words by: jeklog
@ Dela Rosa Transit, Ayala Terminal

Tuesday, March 24, 2009

Nakaw na Sandali


Nagmamasid, Nanunuod, Daha-dahan, Kikilos
Bawat galaw pag-iisipan, ang plano i-aayos,
para pinupuntiryang bagay aking makamit,
mapasakamay na ninanais na langit.

Tiniyak munang walang nakatingin,
tsaka unti-unting nag "move-in"
Ngayon ako na'y nakapuwesto,
dali-daling ikinasa ang sandata ko.

Mabilis na umiscoop gamit ang kutsara,
isinubong buo sa loob ng bunganga,
sabay palit ng itsura na patay malisya,
pero hmmm..parang sa labi ko'y may natirang ebidensya.

Sandaling ligaya ang sa akin ay naidulot,
ng aking pagkaing mabilisang hinablot,
Pero napahiya sa pagiging magnanakaw,
naturingan tuloy na kalatog-pinggang matakaw.

photo by: JM (my brother) Words by: jeklog

@ our abode. Pacita Complex, San Pedro, Laguna



Monday, March 23, 2009

Karga NiƱo-sino?


Balikat ko, Binti mo, Kamay mo, Santo
koneksiyon ng mga bagay dito sa litrato.
Ano nga bang depiksyon nito?
Implikasyon na maiaayon sa buhay ng tao?

Pinoy daw ay likas na relihiyoso,
binibihisan, inaalagaan ultimo mga anito,
kay rami pa ng paraan ng pagpuri,
Penitensya, novena at piyestang sari-sari.

Palagay ko'y ito'y pahiwatig lamang,
malalimang pagmamahal at respeto sa may Lalang.
Lahat ito'y iba't ibang pagpapakita
tunay man o huwad na pananampalataya.

Pero sa paggawa mo ng mga hakbang na ito,
Alin ba ang tama sa mga tanong ko? Sino ba kung sino?
(Ikaw ba ang umaaruga kay "Santo NiƱo"?)
(O siya ang kumakarga sa iyo?)

photo and words by: jeklog
@ Brgy. San Antonio, San Pedro, Laguna




Sunday, March 22, 2009

Kalakal-Kal

C2, Plastic na bote, Bakal, Coke in Can
mga bagay na itinapon mo sa basurahan.
kala mo'y pagkaubos ng laman kwenta'y kasama,
pakinabang sa mga ito'y siya ring wala na.

Pero sa aming may kahoy na manibela,
na buong lakas nagtutulak ng karitela,
kalat mo'y may katumbas na sentimo,
ikabubuhay na namin kapag naka-kilo.

Buti na lang kasama ko si utol,
kaututang-dila ko sa aking paghahabol,
napapawi hirap, pagod at pagka-hapo,
paghahanap ng ginto ay para lang laro.

Ganito tumatakbo ang pangangalakal
bawat tapuna'y sinusuyod, kinakalkal
nagbabaka-sakaling swertehin din at makaipon,
pampaayos man lang nitong aming kariton.


photo and words by: jeklog
@ Canlalay, BiƱan, Laguna


Saturday, March 21, 2009

Alsa-Balutan


Balut, Penoy, Mani, Chicharon
Tilaok ko 'pag kagat ng dapit-hapon,
mga katagang buong lakas kong sinisigaw,
umaasang may mga lasenggong mamakyaw.

Hapon pa lang ay dedelehensya na ng basket,
doon sa Bulacan Public Market,
Buslong puno ng itlog na pang-lako,
Iuuwi sa Cubao nang doo'y maluto.

Bago lumarga ay saglit munang magdadasal,
lakad nawa'y hindi bulilyasuhin ng kalabang-mortal,
mga asong ulul na ulol magsitahol,
na wala na atang ibang libangan kundi sa tulad namin manghabol.

Ilang taon na rin akong umaasa,
sana nama'y bulsa ko na ay umalsa,
nang mabalutan naman ng konting ginhawa
sarili kong tila yata wala ng pahinga.

Photo and words by: jeklog
@ Kamias, Quezon city

Friday, March 20, 2009

Chess-ta

Touch move, Itim, Puti, Mate
Bawat galaw pinag-isipang mabuti.
Upang tiyakin ang tagumpay ng stratehiya,
dito sa digmaang utak ang sandata.

Madalas man sa joke ay laman,
sport daw na kung saan di ka masasaktan.
Pero palagay ko mas masakit maramdaman,
Na ika'y "nag-utak *Biya" dahil naisahan.

Saan ginaganap aming torneo?
Kahit saan! basta may board na piyesa'y kumpleto.
Sino ang mga pwedeng lumahok?
Kahit sino basta maalam at may talim ang tuktok.

Dito sa kalsada kung saan,
bulalo namin ay natatasahan.
Ang Siesta naming naturingan
Sa chess na namin nailaan.

photo and words by: jeklog
@ Don Quijote Overpass, Espana


*Biya-isdang maliit ang ulo

Thursday, March 19, 2009

Deter-Minisyon



Hingal, Pagod, Oras, Pawis
ginugol itong lahat sa pagpra-practice,
nitong presentasyon naming inihanda,
sa kumpetisyong sa aming piyesta'y takda.

Sa labang ito, lahat ay aming sinugal
kami ang pinakabatang magtatanghal.
Kalaba'y mas nakatatanda at mas bihasa,
pero pag-urong ay sa aming diksyonaryo'y di nakatala.

Dumaan ang mga araw hanggang sa dumating na,
paligsahan na pinagpaguran talaga,
kaya sa entablado aming inihataw,
bigay todo sa pag-indayog at pag-sayaw.

Nang inanunsyo yaong nanalo,
di-nabanggit pangalan ng aming grupo.
Pero lumabas sa bawat isa pambihirang determinasyon,
sapat na para maihayag ang tagumpay ng aming misyon.

photo and words by: jeklog
@ Sampaguita Festival San Pedro, Laguna

Wednesday, March 18, 2009

Takatak



Phillip, Marlboro, Hope, Winston
Stick at kahang nakasiksik sa aking kahon.
Isama mo pa storck at lighter kong dala,
ito na ang kalakal ko mula noon pa.

Kami ay may kanya-kanyang sona,
teritoryo kung saan kami ay pwede magtinda.
Gawain ito naming mga tindero,
pakita ng paggalang sa kapwa at pagrespeto.

Baybay-tawid sa mga kalsada,
alok-habol lalo na sa mga namamasada.
Ang stop light sa amin baligtad ang takbo,
sapagkat ilaw pag nag pula, business namin ay go.

Marami kaming makikita mo,
may ahente kami sa bawat kanto.
Hanggat sunog-bagang paninigarilyo ay talamak,
sa kalye'y di mawawala tunog ng aming takatak.

photo and words by: jeklog
@ Araneta St, Quezon, City




Tuesday, March 17, 2009

Pamilyar ako?!


Kailan, Saan, Sa aling paraan, Paano?
Di na nabatid kung bakit napunta dito.
Pagmulat ng mata'y buong mundo'y tila nagbago,
ni di ko na rin namalayan ang pagkakaupo ko dito sa kanto.

Ganito na kaya ang buhay ko kahapon?
Nagising na ni kaunting memorya ay di nakaipon?
Siguro makakadama lang ng kahit kakarampot na kasiyahan,
kung maaalala kahit man lang aking pangalan.

Pero kahit sa nagdaan ay walang katiyakan,
alam ko may misyon akong dapat gampanan.
Dahil sa ngayo'y meron pa ring pinanghahawakan,
ang mapanatiling buhay ako sa kasalukuyan.

Nang makaharap ang sarili gamit ang matang kirat,
Nagulat nang maaninag babaeng buto't balat.
Nang masulyapan ang mukhang nabuo sa baso,
Bumigkas ng: "pamilyar ata itong taong ito, hindi kaya siya ang tumandang ako?"

photo and words by: jeklog
@ E.Rodriguez Q.C.

Monday, March 16, 2009

Sampag-Kita


Dampot, Tuhog, Buhol, Tinda
ganito ang takbo ng pang araw-araw kong istorya.
Trabahong minana pa kay nanay at tatay,
pakiwari ko'y si Jr. ganire rin ang dadatnang buhay.

Halika at iyong pakinggan,
umupo ka muna at makipagkwentuhan,
nang iyong malaman kung saan napunta,
sampung-piso mong inabot kanina.

Sa madaling araw ay nakikipag-unahan mamili,
ng isang tabong bulaklak sa Camachile.
Tutuhugin, bubuhulin at tsaka ibebenta,
dun sa kalsada habang si Jr. ay karga-karga.

Simple lang naman ang buhay namin di ba?
ang buhay tindera ng sampaguita.
Masaya na akong masilayang may nginangata,
makitang si si Jr. ay busog at di na maputla.

photo and words by: jeklog
@ North Avenue, Quezon City




Sunday, March 15, 2009

Tawag ng Kalikasan


Harap, Likod, Kaliwa, Kanan
Paligid ko muna'y saglit tinignan.
Nang makitang wala masyadong dumadaan,
zipper ko'y dali-daling binuksan.

Oh pakiramdam ko ay kay ginhawa,
nang dumaloy na ang ininom ko kaninang umaga.
Pero kaligayahan ko'y biglang naantala,
nang babala sa kaliwa ko ay nabasa.

Pero kahit na yan ay kanina pang nakita,
palagay ko di rin nabago ang aking ginawa.
Dahil namulat na rin sa kultura't kasanayan,
na lalong gagawin kahit na pinagbawalan.

Di ko alam kung sa Pilipino'y likas lamang talaga to,
kasi kahit ako hindi kayang magbago.
Mas maaatim pang tawaging Puta,
kaysa sumunod sa batas na nakasulat sa karatula.


photo and words by: jeklog
@ A.H. Lacson St, Manila


Saturday, March 14, 2009

Basahan

Salita, Balita, Showbizz, Tsismis
Ilan lamang sa masasagap sa pagtingin ng mabilis,
sa kapirasong papel na aking nadampot,
habang sa basuraha'y ako'y namumulot.

Makahiga nga muna dito sa aking sofa,
Sofa, sa sala kong kalsada,
susubuking madugtungan naman ng konting dunong,
utak kong sa Rugby ay natutong.

Mga pahina'y isa-isa kong binuklat.
Mga letra'y malagkit na hinipo ng matang mulat.
Ngunit bakit ang pagbabasa'y napunta sa pagkakamot?
Mukha'y nagusot at noo'y nakakunot?

Tila yata ako ay may nalilimutan,
ang rason kung bakit wala akong maintindihan.
AH! ako nga pala'y sa pagbabasa'y di naturuan,
kaya sa sino mang mapadaan, maaari mo ba akong Basahan?

photo and words by: jeklog
@ Dapitan St., Manila

Friday, March 13, 2009

Ta-huli-ka!


Arnibal, Sago, Baso, Taho
yan ang elements ng munting business ko.
Makikita mo ako kung saan-saang kanto naglalako,
Sabay sigaw ng "Bili na kayo, mainit, bagong luto!"

Ok na sana takbo ng aking negosyo,
may pera na ring pumapasok kahit paano.
Hanggang ma-feature kami sa balita,
produkto daw nami'y sinalaula.

Baboy at di sanitaryo daw naming ginawa,
sa maling paraan daw inihanda.
Itong aking tinitindang mahal ng masa,
regalong pangkabuhayan sa'min ng soya.

Ang akin lang ay bakit naman kami nilahat nyo,
lahat tuloy ng ka-baro ay apektado.
Paano naman kayo nakakasiguro na lahat ng magtataho ay ganito?
ang pagkahuli
ba ng isa ay applicable sa tatlo?

photo and words by: jeklog
@ P.Noval, Manila

Thursday, March 12, 2009

Kwentong-Ketong



Tira-tira, Barya, Pera, Limos
Di ka na ba naawa sa kondisyon kong kay lunos?
Mukha ko'y bakil-bakil, katawa'y puno ng galos,
Para akong sigarilyong unti-unting nauupos.

Aray! noong nabato ng tanod sa overpass,
Sabay pukol din ng salitang "P.I. mo wala ka ng Lunas!"
Mang-gagancho raw ako't parte ng sindikato,
Na kumikita sa panloloko ng tao.

Ang tanong ko sa kanya, "ano pa bang meron ako?"
Yaman kong sugat na puno mula paa hanggang noo?
Mula magkaganito wala na ngang madama,
Ultimo haplos o anino man lang ng pamilya.

Ilan lang to sa mga palagiang kwento,
ng mga di pinalad na nilalang katulad ko.
Ganito ang dinanas sa paghingi ng tulong,
ng taong hindi pinangarap magka-ketong.


Photo and words by: jeklog
@ EspaƱa, Manila


Wednesday, March 11, 2009

Bungang-Uhaw



Purified, Filtered, Malamig, Mineral
Panigurado pagod at uhaw mo ay tanggal.
Dito sa mangilang boteng aking dala,
Na ni ako di alam kung malinis talaga.

Ako ay ilan sa mga taong masaya,
kapag nakikitang ang araw ay tirik na.
Kasi talamak na ang panunuyo ng lalamunan,
at ako nama'y magkakaroon na ng pang-laman tiyan.

Sa tagal ko nang ganito, tinatablan ay hindi na,
ang init ang polusyon ay di na iniinda.
Di na rin pansin ang pawis na tumatagaktak,
Nagsisilbi pa nga itong aking sun block.

Kaya haring araw lalo ka pang magalit!
Bayaang ang init mo'y umabot sa kanilang singit!
Dahil ang bunga ng kanilang pawis at pagka-uhaw,
Pamilya ko'y maitatawid nanaman ng isa pang araw.

photo and words by: jeklog
@ kalaw, Manila

Tuesday, March 10, 2009

Nurse - Plus

Nurse:
Pulse rate, temperature, respiration, BP
mga bagay na paulit-ulit ko ng ginagawa sa duty.
Bad Trip talaga! Nakakasawa na!
Kailan ba ako makakaalis ng Manila?

jeklog:
Teka-teka nga ineng ako'y may matanong lang sa'yo,
bakit baga kay rami mong reklamo?!
Buti ka nga naka-score na ng trabaho!
Palagay mo ba meron yung tao sa likod mo?

Manong: Oo nga! (sabay ipit ng envelope sa kili-kili at nangarap uli magka trabaho)

jeklog muli, para sa masa:
Sa "buhok ni adan" na kumuha ng nursing,
sakadahilanang mapuno ang bulsa ng "kumakalansing".
Babala: di ganun kadali mag-aral nitong Agham,
para lang makatapos ka at mag-buhay BUM.

Minsan dadaan sa utak mong hindi nursing ang lunas,
dahil sa Linsiyak na retrogression at Nurse Surplus.

Manong na bahagyang lumingon pero abalang mag text:
E bakit mo kasi pinasok yaang ganyang propesyon?
Minahal mo kasi to sa maling rason.

Nurse at jeklog: sabagay...hehe

photo and words by: jeklog
@ Taft Avenue, Manila


Monday, March 9, 2009

People's Ch-U-AMP!

Leadership, Hope, Wisdom, Strength
all of these epitomized in the way I stand.
All you people should listen in awe,
as I clench my fist and then open my paw!

But behind the Herculean-Solomonish character,
is the Me that still sits in wonder.
How should the gears in me tick?
Should I inspire or make them sick?

I am put by the populace in a position,
to be an emblem of headship or to immerse in corruption.
Is this really how the politics is built?
A life torn between public service and personal guilt?!

Now I speak strong and weak in ambivalence,
but the show must go on, and be the face of reliance.
I'm seeing erratic portraits as I am in this ramp,
In their eyes, am I A People's Chump? or The People's Champ?

photo and words by: jeklog
@ Sampaguita, festival, bayan ng San Pedro


Sunday, March 8, 2009

Pananampala-Taya


Kinse, Bente-Dos, Otso, Singko
kulang pa ng dalawa aking set ng numero.
Alin pa kaya sa mga inaalagaan ko,
ang magdadala sa kin sa milyones na premyo.

Itong hawak kong nag-iisang bente pesos,
Na tunay na pinaghirapan ko ng lubos;
pagkain na sang maisusubo,
ang pamilya'y ma-T-Treat na sa turo-turo.

Sa gawain kong ito tawagin mo ng hangal,
dahil tanging pang-tustos dinala pa sa sugal.
pangarap na pinagdasal, inilaan na lang sa legal,
kaysa naman gumawa ako ng bawal.

Ang pananampalataya ng isang pala-Taya,
Ay di matatawarang sadya.
Marahil ito na lang ang kanyang pag-asa,
Na makibahagi sa bulsa ni Ginang Gloria.

Photo and words by: jeklog
@ Lotto outlet, Pacita Complex


Saturday, March 7, 2009

The Urban Legend


Rhyme, Reason, Love, Passion
All of these evident in the Master's vision.
A calling that started with a mission,
that through the Rap Culture He can unite the nation.

Francism was the name of the said notion,
that transcended every video, Tv and radio station.
It stood the test of a 2-decade season,
and now the fight is in the heart of the next generation.

Dread was the feeling when he caught the Big C,
but the battle waged on as he struggled gallantly.
He zealously proved that disease is no hindrance,
up until even that noon that he made it in heaven's entrance.

He has the contemporary-new-age hero's thought
well, others would tag him as the Urban Patriot.
but for the jotter he now transcends,
as the new definition of an Urban Legend.

Rest in peace Sir Francis, who you are will echo in eternity.

image and words by: jeklog






Friday, March 6, 2009

Abot-Kamay


Index, Middle, Ring, Pinky
Kapag ika'y naabot meron nang ipagmamalaki.
"Nakahawak na ko ng kamay ng celebrity!"
Kaya sa tropa, ako na ay matindi!

Ayun na! tanaw na ang parada ng mga model!
Maka-akyat na nga sa ibabaw ng tricycle.
Tumabi-tabi ka nga muna diyan Bok!
Kung ayaw mong masikaran at masuntok!

Ginawa ko lahat para pahabain,
mga bisig at daliri kong patpatin.
Ngiti ko'y di mawari dahil halos ramdam ko na,
dampi sa palad ko ng babaeng maganda.

Ngunit 'pag tinamaan ka nga naman ng malas!
Parada'y kay bilis lumipas.
Hanggang dun lang din pala sa stage na "Abot-kamay"
Hanggang dun lang pinalad ang pangarap kong tunay.


Photo and words by: jeklog
@ Landayan, Laguna

Bahay-Buhayan


Mama, Papa, Ate, Kuya
Stereotypical members ng pamilya.
Pero ngayon si ate ay Nanay na,
at ang Papa naman ay si Kuya.

Psst Huuy! Kunin mo nga muna tong si baby,
Nang aking mapractice aking marketing strategy.
Kasi pag di nakabenta ng isa, dalawang dosenang candy,
pang-gatas ni Muymoy wala tayong pambili.

Sige Kuya, akina na muna, at alam ko sa akin tatahan siya.
Dahil ako na rin ang kinagisnan nyang ina.
Pero huwag na wag mong kalilimutan HA!!
Pang Tong-its na Nanay at pang toma ni Papa.

Lintek na buhay nga naman ito!
Kala ko lahat ng ito'y isa lamang laro!
Pero bakit ba nagkaganito?
Bahay-bahayan namin ay nagkatotoo!


photo and words by: jeklog
@ Lawton, Manila

Thursday, March 5, 2009

Tengang Kawali


Pagasa, Saya, Tuwa, Ligaya;
Lahat ito kita mo sa'king mata.
Habang takip ko ang aking tainga,
at gulo sa paligid ko'y di rinig pansamantala.

Di ko parin naman masyado pansin,
hirap ng buhay kong tatahakin.
Kaya nga sa laro muna ako abala,
Habang ako ngayo'y musmos pa.

Di ko pa alam ang sa aki'y mangyayari,
pagtanda ba'y giginhawa o mag bubuhay tae.
Pero sana wag muna mamatayan ng pag-asa,
Iisipin na lang palaging may bukas pa.

Pero ngayo'y ibigay nyo muna sa'kin ang sandali,
dahil ako'y nakahanap ng paraan para mapanatili.
Itong aking mumunting mga ngiti,
Sa pagiging bingi at Tengang Kawali.


Photo and words by: jeklog
@ San Pedro, Laguna


Tuesday, March 3, 2009

Baliw-Sawsaw


Basilio, Crispin, Gloria, Obama,
sa ngayo'y wala akong pakialam sa kanila.
Ang importante ako'y maligayang nakaupo,
dito sa hacienda kong walang bangko.

Anong iyong tinitignan sa aking mukha?

Kaw ba ay may duming nakikita?
Kasi sa paningin ko nama'y wala,
Ito'y aking natural complexion, tanned lang bahagya.

Ang sama ng tingin mo sa damit ko!
Bakit? off ba? Baduy o mukhang trapo?
Kasi sa akin hindi to retaso,
Intimately designed by Salvatore Ferragamo.

Ako ang hari ng aking mundo,
akin lahat ng nasisilayan mo!
Kahit sa mata mo'y ako'y ma-babalisawsaw
Sa aking pagkakaupo sa ilalim ng araw.


photo and words by: jeklog
@C.P. Garcia St., U.P. Diliman Q.C.